Brgy. Kagawad at Back Rider-Patay, Isa Sugatan sa Aksidente sa Tumauini, Isabela

*Tumauini, Isabela- *Patay isang Brgy. Kagawad at backrider habang sugatan ang isa pa matapos aksidenteng bumangga kagabi ang minamanehong motorsiklo sa isang signage sa Brgy. San Mateo, Tumauini, Isabela.

Kinilala ang dalawang nasawi na sina Jaylord Malayao, 23 anyos, binata, brgy Kagawad, driver ng motorsiklo at ang center backrider na si Ignacio Domingo, 21 anyos, binata habang ang sugatan ay si William Masiddo, 23 anyos at kapwa residente ng Brgy. Fermeldy, Tumauini, Isabela.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay SPO3 Aldrin Maramag, Chief Investigator ng PNP Tumauini, patungong centro ng Tumauini ang tatlong biktima upang mag-lomi at nang marating ang pinangyarihan ng insidente ay nawalan umano ng kontrol ang manibela na minamanehong motorsiklo ni Jaylord.


Sumalpok sa isang signage at konkretong semento ang tatlong biktima at naisugod pa sa pagamutan sina Malayao at Domingo subalit binawian din ng buhay habang si Masiddo naman ay inilipat sa Cagayan Valley Medical Center para sa kaukulang lunas.

Batay sa imbestigasyon ng PNP, mabilis ang pagpapatakbo ni Malayao at napag-alaman rin na positibo sa alak ang tatlong biktima.

Dinala na sa pulisya ang motorsiklo para sa kaukulang disposisyon at pinag-iingat naman ng PNP ang lahat ng mga motorista na laging mag-iingat sa pagmamaneho upang makaiwas sa anumang aksidente.

Facebook Comments