BRGY. KAGAWAD AT UMANO’Y KALAGUYO, ARESTADO SA LUNGSOD NG CAUAYAN

Cauayan City, Isabela- Arestado ng mga otoridad ang isang barangay Kagawad at umano’y kalaguyo nito sa barangay Cabaruan, Cauayan City, Isabela.

Nakilala ang mga nahuli na sina Danny Leonador, limamput isang taong gulang, may asawa, Kagawad at residente ng Brgy. Villa Flor, Cauayan City at Jocelyn Manuel, tatlumput isang taong gulang, may asawa at residente rin sa nabanggit na barangay.

Nadakip ang dalawa sa isinagawang manhunt operation ng mga otoridad sa bisa ng kanilang isinilbing warrant of arrest dahil sa kasong Adultery.

Mayroon namang inirekomendang piyansa ang korte na halagang tig- Php36,000 para sa kanilang pansamantalang paglaya.

Ayon sa akusadong si Jocelyn, nilapitan lamang umano nito noon ang Kagawad para magpatulong sa ginagawang pananakit sa kanya ng kanyang asawa hanggang sa tuluyan na umanong nahulog ang kanyang loob sa Kagawad.

Itinanggi naman ng naturang Kagawad na mayroon silang relasyon ni Jocelyn. Samantala, nakapagpiyansa rin ngayong araw ng 36,000 ang Kagawad kaya hindi na ito ikinulong ng pulisya habang naiwan naman sa loob ng lock-up cell ang babae dahil sa inaayos pa lang umano ang kanyang pang piyansa.

tags:

Facebook Comments