Brgy. Kagawad na umawat sa gulo, ginulpi ng 4 kalalakihan!

*Cauayan City, Isabela- *Sugatan ang isang Brgy. Kagawad na umawat lamang sa gulo matapos gulpihin ng apat na kalalakihan dakong alas diyes kagabi sa Purok 6 Nagrumbuan, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang barangay Kagawad na si Jerry Cipriano, 55 anyos, residente ng Nagrumbuan, Cauayan City, Isabela at kasama rin sa mga biktima ang Kapitan ng naturang barangay na si Nena Velasco maging ang sakay ng Mitsubishi Lancer na sina Mylene Fernandez, Ariel Fernandez, Madelyn Fernandez, Denimar Agcaoili na minamaneho ni Arnel Fernandez at pawang mga residente ng Lalog, Luna, Isabela.

Samantalang ang mga suspek ay sina Jayrold Dagman, Lewin Dagman, Andrew Estimada, Armando Dagman at Ariel Dagman na pawang mga residente ng Nagrumbuan, Cauayan City, Isabela.


Batay sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), pauwi na sa kanilang lugar ang limang sakay ng sasakyan nang biglang harangin ng puting pick-up at lumabas ang apat na kalalakihan na may dalang kawayan palapit sa mga biktima.

Agad na bumaba mula sa sasakyan ang mga biktima patungo sa bahay ni Kagawad Cipriano na kasalukuyang kasama ang Kapitana.

Sinubukang awatin ni Cipriano ang mga suspek subalit ginulpi nila ito na sanhi ng kanyang pagkakasugat.

Agad namang humingi ng tulong sa PNP Cauayan si Brgy. Captain Velasco na nagresulta sa pagkaka-aresto ng mga suspek.

Inihahanda na ng PNP Cauayan ang kasong isasampa laban sa mga suspek.

Facebook Comments