Brgy Kagawad, Patay sa Pamamaril

Cauayan City, Isabela- Patay ang isang incumbent barangay Kagawad matapos na pagbabarilin ng hindi pa matukoy suspek sa kahabaan ng Bagumbayan, Tuao, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Kagawad William Soriano, 62 taong gulang, may-asawa ng barangay Bagumbayan sa naturang bayan.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, binabagtas ng biktima ang pambansang lansangan ng Bagumbayan lulan ang minamanehong motorsiklo na walang plaka at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay nakarinig ng mga putok ng baril ang mga residente sa lugar na agad namang bineripika kung saan ito nagmula.


Naabutan na lamang ng mga residente ang duguan at nakabuglatang katawan ng biktima na may hawak na isang Caliber 45 na baril.

Isinugod pa sa ospital ang Kagawad subalit idineklarang dead on arrival (DOA) ng umasikasong Doktor.

Narekober ng SOCO Team sa pinangyarihan ng insidente ang isang (1) unit ng Caliber 45 pistol na may kasamang mga bala, dalawang (2) fired cartridge ng Caliber 45 at isang fired bullet ng parehong baril.

Nabatid na nailabas pa ng biktima ang kanyang baril subalit hindi na nito naiputok sa gunman.

Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad para matukoy at mahuli ang responsable sa krimen.

Facebook Comments