CAUAYAN CITY – Nagbigay paalala ang pamunuan ng Barangay Tagaran sa mga pamilyang nais mag-out of town ngayong Christmas season.
Sa panayam ng IFM News Team kay Barangay Admin Reygie Pascual, bagama’t walang naitatalang kaso ng panloloob o pagnanakaw sa kanilang lugar, mas mainam pa rin na magdoble ingat ang mga pamilyang nagbabalak umalis ngayong Kapaskuhan.
Ayon kay Pascual, mahalaga na siguraduhin na nakakandado ang mga pintuan at bintana ng bahay at nahugot lahat ng mga nakasaksak na appliances upang maiwasan ang anumang aksidente tulad ng sunog.
Kaugnay nito, upang masiguro ang seguridad, mahigpit na pagbabantay ang isasagawa ng Barangay Tagaran, kung saan patuloy ang ginagawang patrolling ng labindalawang Barangay Tanod sa bawat Purok.
Samantala, sinisiguro naman ni Admin Pascual na magiging mapayapa at maayos ang pagdiriwang ng Kapaskuhan at Bagong Taon sa Barangay Tagaran.