BRGY. TANOD SA SAN MATEO, PATAY SA SAKSAK!

Cauayan City – Nasawi sa limang saksak ang isang barangay tanod matapos itong pagsasaksakin ng kanyang pamangkin sa Brgy. Marasat Pequeno, San Mateo, Isabela noong ika-9 ng Hulyo.

Sa eksklusibong panayam ng iFM News Team kay Police Lieutenant Dennis Gutierrez, Intelligence Investigation Officer ng San Mateo PS, lumalabas sa pagsisiyasat na bago ang insidente, nakatanggap umano ng sumbong ang mga barangay tanod mula sa tatay ng suspek na sina Alyas “Man” at Alyas “Sar” kaugnay sa pambubugbog umano ng dalawa sa kanilang lola.

Kaagad namang rumespunde ang mga Brgy. tanod kabilang na ang biktimang si Marlon Angel sa lugar, kung saan naabutan ng mga ito ang dalawang suspek na nag-iinuman.


Dahil kamag-anak nito ang dalawa, sinubukan umano ng biktima na kausapin ang magkapatid, ngunit sa halip, sinuntok ni Alyas “Man” habang pinagsasaksak naman ni Alyas “Sar” sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang naturang tanod.

Sa ngayon, kasalukuyang nasa kustodiya ng San Mateo Police Station ang dalawang suspek na nakatakdang maharap sa kasong Homicide.

Facebook Comments