
Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na ngayong araw din ay nakatakdang dalhin sa Sandiganbayan sina dating DPWH Officials na sina Brice Hernandez at Jaypee Mendoza.
Ito’y matapos maglabas ng warrant of arrest at hold departure order ang Sandiganbayan third division laban sa mga ito sa kasong graft at malversation kaugnay sa ghost flood control projects sa Pandi, Bulacan.
Sinabi sa DZXL-RMN Manila ni NBI Spokesperson Palmer Mallari, na buong gabi inayos ang booking procedure at medical examination para sa dalawang dating DPWH District Engineer.
Ani Mallari, ang paghahanda rin kasi ng return of warrant ay inaabot ng ilang oras kung kaya ngayong araw ito nakatakdang dalhin sa Sandiganbayan.
Pasado alas-8:00 kagabi nang arestuhin ng mga tauhan ng NBI sa kanilang detensyon sa Senado sina Hernandez at Mendoza.
Ang mga dating Bulacan DPWH officials ay apat na buwan nang nakakulong sa Senado matapos na ma-cite in contempt dahil sa pagsisinungaling o hindi pagsasabi ng totoo sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa flood control anomaly.









