
Posibleng bawiin na ng Senate Blue Ribbon Committee ang legislative immunity na ibinigay kay dating Department of Public Works and Highways (DPWH) – Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez dahil sa kabiguan nitong makipagtulungan sa komite kaugnay sa mga maanomalyang flood control project.
Ito’y matapos tumanggi si Hernandez na i-turnover ang computer na naglalaman ng mga impormasyon at ng mga sangkot sa ghost projects.
Kinumpirma ni Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca na ayaw na ni Hernandez na i-turnover sa Blue Ribbon Committee ang naturang computer batay na rin sa payo ng kanyang abogado.
Ayon kay Blue Ribbon Committee Chairman Ping Lacson, desisyon pa rin ni Hernandez kung anong gagawin dahil computer naman niya ito.
Gayunman, mapipilitan na rin ang komite na bawiin ang legislative immunity at hindi na rin irerekomenda ang pagpasok kay Hernandez sa witness protection program (WPP) dahil hindi naman nito tinupad ang pangakong buong makikipagtulungan sa Senado.
Nilinaw naman ni Lacson na walang problema ang komite kung Independent Commission for Infrastructure (ICI) na ang kukuha sa computer ni Hernandez.









