Brice Hernandez, tinakot umano ng kanilang dating boss para akuin ang kasalanan sa ghost projects sa Bulacan

Idiniin ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez na tinakot sila ng kanyang boss na si dating Bulacan District Engineer Henry Alcantara para ipaako sa kanila ang isyu ng flood control projects.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa eskandalo ng ghost projects, binasa ni Hernandez ang nangyaring komprontasyon nila ni Alcantara noong Agosto 3, 2025.

Ayon kay Hernandez, pinressure sila ni Alcantara na akuin nila ni dating Bulacan Construction Division Chief Jaypee Mendoza ang naturang problema.

Hindi umano sila pumayag ni Mendoza pero tinakot naman ni Alcantara ang kanilang mga kasamahan na kapag hindi kumampi sa kanya ay idadamay sila.

Pinasinungalingan ito ni Alcantara at iginiit na hindi totoong tinakot niya ang mga ito kundi galit siya sa dalawa at sinabihan lamang na magsabi ng totoo.

Samantala, iniuugnay rin ni Hernandez si Alcantara kay DPWH Usec. Roberto Bernardo na siya umanong nagmamanipula ng senatorial funds para sa mga flood control projects sa kanilang opisina.

Facebook Comments