Bridges program ng DPWH, pinasisilip ng Senado

Bibisitahin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang bridges program ng ahensya para sa 2023.

Napag-alaman kasi sa budget deliberation ng DPWH sa plenaryo ng Senado na hindi kasama sa kanilang alokasyon ang mga tulay na nasira ng Bagyong Paeng.

Nakwestyon kasi ni Public Works Committee Chairman Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., kung sapat ba ang alokasyon na P28.962 billion para sa bridge program ng ahensya lalo’t magkakasunod ang pagkasira at pagbagsak ng mga tulay sa iba’t ibang bahagi ng bansa bunsod ng pananalasa ng bagyo at lindol.


Aminado si Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara na kung pinsala ng Bagyong Paeng sa mga tulay ang tatanungin ay hindi ito kasama sa napondohan dahil nailatag at nabuo ang pondo sa unang at ikalawang quarter ng taon habang ang pananalasa ng bagyo ay nangyari sa huling bahagi ng taon.

Aniya pa, ang nasa listahan lamang ay iyong mga ‘badly damaged’ na tulay na maaaring nabago na dahil sa Bagyong Paeng.

Tiniyak naman ni Angara ang pagsilip ng DPWH sa prioritization sa listahan ng kanilang bridge program upang matugunan ang pangangailangan sa agad na pagsasaayos ng mga nasirang tulay.

Samantala, sa P28.962 billion na pondo sa bridge program, P7 billion ang para sa replacement ng mga permanent weak bridges, P4 billion para sa retrofitting, P2.7 billion para sa rehabilitation at major repairs, P13.5 billion para sa widening, at P1.3 billion para sa pagtatayo ng mga bagong tulay.

Facebook Comments