Manila, Philippines – Tututukan ng pagbubukas ng Brigada Eskuwela ng Department of Education ang pag-aayos sa mga paaralang nasira ng mga nagdaang sakuna.
Ayon kay Education Sec. Leonor Briones, ang isasagawang Brigada Eskuwela sa Cebu City sa darating na Lunes (May 15) na tatagal ng isang linggo ay may temang “bayanihan.”
Sabi naman ni Asec. Jesus Mateo, maaga nilang sinuri ang mga paaralang naapektuhan ng mga kalamidad.
Kung kukulangin aniya, may mga temporary learning space na itatayo.
Dagdag naman ni Briones, kasama rin sa mga tututukan ng DepEd ang usapin sa iligal na droga.
Tampok din sa Brigada Eskuwela ang special registration para sa mga gustong sumali sa Alternative Learning System o ALS.
Target mahikayat ng DepEd ang apat na milyong out of school youth pero aminado naman ang kagawaran na malaki pa rin ang pangangailangan sa mga guro.
Ito ang dahilan aniya kung bakit sila nagbukas ng dagdag na 53,831 teaching positions kung saan ang 20,000 ay ilalaan sa kinder-junior high at mahigit 30,000 naman sa senior highschool.
DZXL558