Brigada Eskwela na isinagawa ng Taguig-LGU sa 14 “EMBO” schools, naging matagumpay!

Inihayag ng mga school principals ng 14 “EMBO” schools na nasa hurisdiksyon na ngayon ng Taguig City na wala silang nakikitang problema sa pagbubukas ng klase sa Agosto 29.

Kasunod na rin ito nang maayos at matagumpay na Brigada Eskwela na isinagawa sa mga nasabing paaralan na nilahukan ng mga estudyante, guro, mga magulang, alumni, iba pang external stakeholders, Taguig volunteers at sa tulong na rin ni Taguig City Mayor Lani Cayetano.

Ayon kay Taguig-Pateros School’s Superintendent Dr. Cynthia Ayles, ang mga nasabing 14 “EMBO” schools ay may maayos na koordinasyon sa Taguig-LGU noon pang buwan ng Hulyo kaya paniguro na mapayapa ang transition ng dalawang lungsod.


Habang, sinabi naman ng mga school pricipals na hangad din ng mga magulang ang maayos na transition patungo sa Taguig-LGU kasunod ng ikinasang General Parents Teachers Association dialogue.

Anila, tiyak din sila na magkakaroon ng dekalidad na serbisyo at tulong sa pag-aaral ng aabot sa 30,000 estudyante ng 14 “EMBO” schools gaya ng pagbibigay ng libreng school supplies, uniforms, sapatos, at scholarships.

Pero, aminado ang Taguig-LGU na hindi pa naibibigay ang school uniform at school supplies bunsod na rin ng delay sa panig ng Makati City na maiturn-over ang listahan ng mga student-beneficiaries.

Facebook Comments