Arestado sa bansang India ang British national na si Lenox James Ellis na wanted sa Davao City dahil sa paglabag sa Republic Act (RA) 9208 or the “Anti-Trafficking in Persons Act of 2003” at RA 7610 “Special Protection of Children against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.”
Sa inilabas na red notice ng International Police (InterPol), nahuli ng mga otoridad sa India ang suspetsadong child trafficker na si Ellis.
Ayon kay Deputy Regional Prosecutor Barbara Mae Pagdilao, nakalabas ng bansa si Ellis bago pa man maihain ang kanyang warrant of arrest.
Matatandaang nahuli ng mga pulis si Ellis noong July 22, 2015 pagkatapos itong ireklamo ng kanyang mga kapitbahay sa Ma-a, Davao City dahil sa pagkupkop ng anim na mga menor de edad.
Ni-rescue ng mga pulis ang mga biktima at nalamang minomolestya ito ni Ellis.
Mula India, ipapabalik dito sa Davao City si Ellis para harapin ang kanyang mga kaso.