Bro. Eddie Villanueva, haharangin ang pagpapasa ng Sogie Bill sa Kamara, Sogie Bill magbibigay lamang ng espesyal na pagtrato at hindi pagkakapantay-pantay

Iginiit ni CIBAC Partylist Rep. Bro. Eddie Villanueva na hindi dapat gamitin ang insidente sa pagitan ng isang transgender at janitress sa isang mall sa Quezon City para madaliin ang pagpapasa ng Sexual Orientation and Gender and Identity Expression (SOGIE) Bill sa Kamara.

 

Sa privilege speech ni Villanueva, dapat na mahimay ng mabuti ang nilalaman ng SOGIE Bill at isaalang-alang ang karapatan ng nakakarami.

 

Nangangamba si Villanueva na sa halip na equality o pagkakapantay-pantay para sa lahat ay “special rights” ang maibibigay sa ilalim ng SOGIE Bill at masasakripisyo ang karapatan ng nakakarami.


 

Tinukoy pa ni Villanueva ang ilang mga isyu na nababalot sa SOGIE kabilang dito ang pagbalewala at pag-regulate sa karapatan ng mga magulang na magdesisyon para sa mga anak; banta sa academic freedom partikular sa mga Christian o Catholic Schools; paglimita sa freedom of speech and religion; at panghuli, ang pagkwestyon sa pinaka-foundation ng batas na pagbibigay ng karapatan para sa lahat at hindi lamang base sa paniniwala ng isang indibidwal.

 

Dahil dito, naghain ng resoluyon si Villanueva para ipatawag sa Kamara ang janitress at security guard na sangkot sa insidente ng pagpasok ng isang transgender sa cr ng mga babae sa isang mall sa Quezon City.

 

Iginiit nito na dapat din makuha ang panig ni Honeylea Joy Balili at ang security guard na rumesponde sa naturang insidente na si Meriegen Mauro at representative ng Farmers Mall para magarantiyahan ang impartiality at objectiveness sa nasabing isyu.

 

Iginiit pa ni Villanueva na kung may naagrabyadong partido sa naturang insidente ay dapat maghain ng kaso sa korte na siyang magdedesisyon kung sino talaga ang may sala.

Facebook Comments