Broadcasting at advertising companies at social media, pinagsasagawa ng information drive sa COVID-19 vaccine

Umaapela si Ako Bicol Partylist Representative Alfredo Garbin sa lahat ng mga broadcasting, advertising companies at social media na tumulong sa pagpapalaganap ng impormasyon at kahalagahan ng COVID-19 vaccine.

Partikular na nananawagan si Garbin sa Philippine Association of National Advertisers, Advertising Board of the Philippines, Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas, at iba pang legislative broadcasting franchises holders na iprayoridad at maglaan ng hanggang dalawang oras kada araw na airtime para i-ere ang mga kaalaman patungkol sa COVID-19 vaccine.

Ganito rin ang apela ng kongresista sa Philippine Press Institute kung saan pinaglalaan ng hanggang dalawang buong pahina na advertising column-inch space kada linggo sa mga dyaryo at magazines para sa information drive.


Pinakikilos rin ng kongresista ang lahat ng mga social media networks sa bansa na gumawa ng mga hakbang para labanan ang fake news sa COVID-19 vaccine sa cyberspace.

Kadalasan aniya na ang paglaganap ng mga malisyoso at maling impormasyon ay nagtatago sa gawa-gawang “news” o “media” entity na ang katotohanan naman pala ay mga trolls, hackers, bots at mga bashers.

Nakikiusap din ang mambabatas sa vloggers, bloggers at social media influencers na sumunod sa media core principles and practices para sa truth-based, at tamang pagpapalaganap ng mga impormasyon hinggil sa COVID-19 vaccines at sa pandemya.

Facebook Comments