Naaresto nang pinagsanib na pwersa ng pulisya at militar ang brother-in-law ng nasawing Abu Sayyaf Group (ASG) leader na si Isnilon Hapilon na si Masckur Adoh Patarasa.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar, naaresto si Patarasa sa Barangay Asturias, Jolo, Sulu sa pamamagitan ng warrant of arrest dahil sa pitong magkakahiwalay na kasong ng kidnapping and serious illegal detention.
Aniya pa, batay sa pag-imbestiga natukoy na si Patarasa ay active non-uniformed personnel ng PNP na nakatalaga sa Banguingui Municipal Police Station, Sulu PPO.
Natuklasan din na ito ay nagsisilbing finance-logistics liaison officer ng Dawlah Islamiya at kabilang din sa Martial law arrest order No. 1 kaugnay sa nangyaring Marawi Siege noong 2017.
Sinabi pa ni PNP Chief, umanib si Patarasa sa ASG noong 2001 sa pamumuno ni Khadaffy Janjalani sa Basilann hanggang sa naging tauhan rin ni ASG Senior Leader Radullan Sahiron sa Sulu.
Ikinatuwa naman ni Eleazar ang pagkakaaresto kay Patarasa na aniya bahagi pa rin ng kanilang pinaigting na Cleanliness Policy.