“Brown-out free” sa mga paaralan pagsapit ng halalan, pinatitiyak ng Kamara

Pinatitiyak ng Kamara na 100% na “brown-out free” ang mga paaralan na pagdarausan ng botohan para sa nalalapit na halalan sa Mayo 9.

Sa House Resolution 2538 na inihain sa Kamara, hinihimok ang Commission on Elections (COMELEC), Department of Energy (DOE), Department of Education (DepEd) at iba pang ahensya ng pamahalaan at stakeholders na magtulong-tulong para matiyak na walang magiging aberya o problema sa kuryente sa araw ng eleksyon partikular na sa mga paaralan na nagsisilbing “polling precincts”.

Ngayon pa lamang ay pinakikilos na ang mga kaukulang ahensya na siguruhing mayroong kuryente sa halalan upang hindi malagay sa alanganin ang resulta ng botohan.


Binigyang-diin sa resolusyon na kailangan mabantayan ang integridad ng automated elections sa ating bansa.

Sa naunang pahayag ni COMELEC Commissioner George Garcia, nakikipag-ugnayan na ang poll body sa DOE upang matiyak ang sapat na suplay ng kuryente sa panahon ng eleksyon sa kabila ng mahal na presyo ng langis.

Facebook Comments