Ilang lugar pa rin sa bansa ang nakaranas ng pansamantalang pagkawala ng kuryente habang nagbobotohan noong Lunes sa kabila ng pangako ng Department of Energy (DOE) na walang brownout sa halalan.
Bata sa monitoring ng National Electrification Administration (NEA), ilang bahagi ng Ilocos Sur, Nueva Ecija, Baguio City, Batangas at Oriental Mindoro ang nakaranas ng brownout.
Nawalan rin ng kuryente sa parte ng Capiz, Central Negros, Northern Negros, Cebu, Negros Oriental, Leyte at Northern Samar sa Visayas.
Sa Mindanao, nag-brownout sa bahagi ng Zamboanga City, Zamboanga del Sur, Bukidnon, Davao del Sur, Davao Oriental, Cotabato, Agusan del Sur at Surigao del Sur.
Pero giit ni Ferdinand Villareal, pinuno ng NEA Task Force Halalan, naibalik naman agad ang suplay ng kuryente.
Kahapon nang muling isailalim sa yellow alert ang Luzon grid kahit walang pumalyang planta.
Ito ay matapos lumagpas sa 10,000 megawatts ang konsumo sa kuryente sa Luzon dahil umano sa tindi ng init.