Itatalaga ng Philippine Navy ang kanilang pinakamalakas na barko, ang BRP Conrado Yap sa Palawan, para panlaban sa mga pirata.
Ayon kay Philippine Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Robert Empedrad, bumabyahe na ngayon sa Palawan ang BRP Conrado Yap matapos ang misyon sa Mindanao.
Ang BRP Conrado Yap, na dating “Pohang Class Corvette” ng South Korean Navy ang kauna-unahang corvette ng Pilipinas, na armado para sa air warfare, anti – surface warfare at anti -submarine warfare.
Sinabi ni Empedrad kailangan ng mga malalaking barko sa bahagi ng Palawan para epektibong mabantayan ang Sulu at Celebes Sea.
Aniya ang deployment ng BRP Conrado Yap sa lugar, kasama ang iba pang malalaking barko ng Philippine Navy tulad ng BRP Gregorio Del Pilar ay bilang pagsunod sa kautusan ng Pangulo na sugpuin ang pamimirata at “hostage-taking” sa karagatan.
Matatandaang dumating sa bansa ang BRP Conrado Yap matapos itong i turn over ng Korea sa Philippine Navy noong Agosto.