Idineploy ng Armed Forces of the Philippines Western Command ang isa pa nitong barko na BRP Davao del Sur na isa sa pinakamalaking vessel ng Philippine Navy para tumulong sa pagpapatrolya sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Wescom Spokesperson Commander Ariel Joseph Coloma, iba’t ibang misyon ang kaya ng BRP Davao del Sur pero ang pokus lamang nito ay territorial maritime patrol operations sa WPS.
Dumating ang barko sa Puerto Princesa City nitong October 6, mula Subic, Zambales kung saan may lulan itong family food packs na ipapamahagi sa mga residente ng Culion Island bago maglayag patungong WPS.
Samantala, bagama’t ikinatuwa ng Wescom ang karagdagang asset, umaasa sila na madadagdagan pa ito dahil sadyang napakalawak ng teritoryo ng Pilipinas o 7,000 square nautical miles of sea ang kailangang patrolyahan o bantayan ng ating mga barko.
Sa ngayon aniya, mayroong 10 naval vessels ang Wescom na ginagamit sa sealift operations at shuttle service patungong Pag-asa island at para magsagawa ng maritime and sovereignty patrol operations sa ating Exclusive Economic Zone.