BRP Ramon Alcaraz na kumuha ng mga medical supplies sa India, patuloy na inaayos matapos masunog ang main engines nito

Hindi pa rin nakakaalis sa pantalan ng Cochin India ang BRP Ramon Alcaraz matapos masunog ang main engines nito habang paalis na ng India nitong nakalipas na Huwebes.

Ayon kay Philippine Navy Spokesperson Lieutenant Commander Maria Christina Roxas, isinasailalim na sa damage assessment and systems evaluation ang barko upang matukoy kung oil leakage ang dahilan ng sunog sa main engine room ng barko.

Sa ngayon tumutulong pa rin sa pag-aayos ang United States Naval Sea Systems Command (NAVSEA) lalo at nabili ang BRP Alcaraz sa Estados Unidos.


Nasa stable condition na rin sina F2EN (Fireman Second Class Engineman) Alvin Aldecoa at F2MR (Fireman Second Class Machinery Repairman) Joemari Bag-o, sa isang ospital sa India matapos magtamo ng second degree burns.

Ang BRP Alcaraz ay tumungo sa India at kumuha ng mga medical supplies.

Kasama nito ang BRP Davao del Sur (LD602) na ngayon lumalayag na pabalik ng bansa sakay ang ilang Filipino repatriates at 200,000 piraso ng facemasks na inaasahang makakarating sa Manila South Harbor sa May 23, 2020.

Facebook Comments