Umalis kahapon mula sa pier 13 ng Manila South Harbor ang del-Pilar Class BRP Ramon Alcaraz patungong Sattahip, Thailand upang lumahok sa ASEAN-US Maritime exercise (AUMX) na gaganapin mula Setyembre a-2 hanggang a-6.
Ang BRP Ramon Alcaraz ay may sakay na 200 sailors at marines mula sa iba’t ibang sangay ng Philippine Navy na bumubuo sa Naval Task Group 80.5 na pinanumunuan ni Capt. Hilarion Cesista.
Ayon kay Chief of Naval Staff, Rear Adm. Loumer Bernabe, ang pakikilahok ng Philippine Navy sa AUMX ay pagpapakita ng kapabilidad at commitment ng Philippine Navy na makipagtulungan sa mga kanilang mga counterparts para matiyak ang seguridad at progreso sa South East Asia.
Ang AUMX 2019 ang kauna-unahang pagsasanay sa pagitan ng mga ASEAN Navies at Estados Unidos.
Ang exercise ay may temang “Enhancing Shared Awareness and Interoperability in the Maritime Domain”, na layuning itaguyod ang “maritime security and safety” at “freedom of navigation and over flight”, maging ang malayang komersyo alinsunod sa international law.
Gagawin ito sa silangang karagatan ng Thailand kung saan magsasagawa ng “combined maneuvers” sa iba’t ibang “scenario” ang mga kalahok na barkong pandigma para mapahusay ang “interoperability” ng mga Naval forces sa rehiyon.