Umalis na ngayong araw at patungo na sa lalawigan ng Catanduanes ang isa sa barko ng Philippine Navy na BRP Tarlac.
Ito ay para magdala ng mga relief goods at mga construction materials para sa mga sinalanta ng magkakasunod na bagyo.
Ayon kay Philippine Navy Spokesperson Lt Commander Maria Christina Roxas nasaksihan mismo ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pag-alis kanina ng BRP Tarlac na sakay ang 255 tons ng iba’t ibang relief goods at construction materials.
Ang mga relief goods at construction materials ay mula sa mga government agencies, non-government organization (NGO) at mga pribadong indibidwal.
Tiniyak naman ng Philippine Navy na patuloy nilang gagampanan ang kanilang mandato para matulungan ang mga Pilipino, lalo na ngayong may kalamidad at pandemya.