Inirekomenda ni Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation Chairman Senator Imee Marcos ang pangmatagalang solusyon upang hindi na palaging naipagpapaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ang suhestyon ng senadora ay kaugnay na rin ng unang sinabi ng Commission on Elections o COMELEC sa ginanap na organizational meeting ng komite na aabot sa P17 billion hanggang P18 billion ang magagastos kapag iniurong sa Mayo sa susunod na taon ang halalan mula sa nakatakdang halalang pambarangay sa December 5, 2022.
Iminungkahi ni Marcos na itakda na lamang sa Mayo 2023 ang BSK Elections pero dapat ay magawan ng paraan ng COMELEC na mabawasan ang malaking halaga na gagamitin sa halalan.
Paliwanag ng senadora, huwag sa Disyembre kundi isang taon pagkatapos ng national election idaos ang BSKE o sa Mayo 2023 dahil kapag Disyembre ay posibleng abala ang mga lokal na pamahalaan para tapusin ang mga proyekto sa pagtatapos ng taon at mas magastos ito para sa mga estudyante at mga empleyado na kinakailangang umuwi ng Pasko sa mga lugar kung saan rehistrado para lamang makaboto.
Hiniling din ni Marcos na pag-isipan din ang komposisyon ng Sangguniang Kabataan sa mga barangay lalo’t kadalasang nagkukulang ang mga miyembro na umaalis para ipagpatuloy ang pag-aaral o hindi kaya naman ay magtrabaho.
Mainam aniyang magtalaga na lamang ng isang youth kagawad sa bawat barangay, isang youth councilor sa municipal o city level at isang youth member sa kada probinsya.