Sasailalim na rin si Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP Governor Benjamin Diokno sa self-quarantine.
Ito ay kasunod ng anunsyo ng ilang mga opisyal ng pamahalaan na sila ay nagkusang magself-quarantine sa gitna ng banta ng Coronavirus Disease o COVID-19.
Sa kabila nito, nilinaw ni Diokno na nasa maayos siyang kundisyon, at minabuti lamang niyang mag-self quarantine.
Aniya, siya ay nasa NLEX inspection ceremony kasama sina Secretaries Sonny Dominguez at Arthur Tugade kamakailan, kung saan dumalo ang isang pasyente na positibo sa Covid-19.
Kaugnay nito ay naka-lockdown ang tanggapan ng BSP sa Maynila, maging ang katabi nitong Department of Finance.
Mula ngayong March 12 hanggang bukas, March 13, ay suspendido ang pasok sa BSP at DOF bilang pre-cautionary measure laban sa Covid-19.
Sasamantalahin ng BSP at DOF ang lockdown at work suspension upang magsagawa ng disinfection activities.
Kabilang sa mga walang pasok ang mga empleyado, habang may duty pa rin ang mga security agent at mga miyembro ng utility department gaya ng mga janitor.