Manila, Philippines – Iginiit ni House Minority Leader Danilo Suarez na kailangang dumaan sa approval ng Commission on Appointments (CA) ang pagkakatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Budget Secretary Benjamin Diokno bilang bagong governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Dito ay binigyang diin ni Suarez ang nilalaman ng Republic Act 7653 o Central Bank Act kung saan nakasaad na kailangang dumaan sa kumpirmasyon ng CA ang sino mang itatalaga na bagong tagapangasiwa ng tanggapan.
Nilinaw ni Suarez na hindi niya kinukwestyon ang appointment ni Pangulong Duterte pero makabubuti kung susundin na lamang ang prosesong sinasabi sa batas.
Una nang sinabi ng Malacañang na hindi na kailangang dumaan sa CA confirmation ang appointed BSP governors batay sa ilalim ng Article 7, Section 16 ng saligang batas.