Manila, Philippines – Iniimbestigahan na ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang dumaraming bilang ng nawawalan ng pera sa bank accounts dahil sa hindi otorisadong mga transaksyon.
Ayon kay Melchor Plabasan, Deputy Director ng BSP, hinihingi na nila ang detalye ng mga naiulat na unauthorized transactions.
Aniya, siguruhin lang na hindi nagpabaya ang biktima, o hindi kasabwat ng mga kawatan, at itutuloy nila ang imbestigasyon para malaman ang ugat ng problema.
Pinag-aaralan na rin ng ilang bangko ang paggamit ng biometrics identification para sa mga transaksyon.
Kabilang dito ang fingerprint reader, facial recognition, at iris scanner para maprotektahan ang kanilang mga customer.
Samantala, tiniyak ng Banco De Oro (BDO) na ibabalik nila ang pera ng mga apektadong depositor na mapapatunayang biktima ng fraud pagkatapos ng masusing imbestigasyon.