Nilinaw ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kung bakit hindi kasama ang 20 peso bill sa mga inilunsad nilang ‘enhanced’ New Generation Currency (NGC) banknotes.
Nabatid na inilunsad ng BSP noong nakaraang taon ang 20-peso coin na papalit sa kasalukuyang perang papel sa sirkulasyon.
Ayon kay BSP Governor Benjamin Diokno, patuloy pa rin silang gumagawa ng 20-peso banknotes, pero ang ginagamit na lamang nila ay ang mga available raw materials para dito.
Giit ni Diokno, mas makakatipid ang pamahalaan sa paggawa ng 20-peso coins dahil pangmatagalan ito kumpara sa 20-peso bill na mabilis kumupas.
Paglilinaw ng BSP na ang bagong enhanced banknotes ay ilalabas sa sirkulasyon kasabay ang mga naunang inilunsad na NGC notes na unti-unting aalisin.
Sa kasalukuyan, ang BSP ang gumagawa ng mayorya ng Philippine Banknotes.
Plano na ng BSP na bumuo ng roadmap para makamit ang banknote requirements sa bansa.