Manila, Philippines – Mawawalan na ng halaga ang mga lumang pera pagdating ng a-primero ng Enero 2018 at hindi na ito maaaring ipapalit pa.
Ito ang paalala ni Deputy Governor Diwa Guinigundo ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
Hindi na rin palalawigin pa ang deadline na Dec 29, 2017 para sa pagpapapalit ng mga lumang pera.
Sinabi pa ni Guinigundo na ito na ang ikalimang beses na pinalawig nila ang pagpapalit ng mga lumang pera bilang tugon sa maraming kahilingan na kanilang natatanggap at pinaka huli nga dito ay nito lamang hunyo a-30.
Maaaring ipapalit ang mga lumang pera para sa mga bagong perang papel sa mga awtorisadong universal, commercial, thrift at rural banks, BSP regional offices sa La Union, Cebu, at Davao, iba pang mga sangay ng BSP, at sa treasurer’s office ng siyudad o probinsya.
Para naman sa mga overseas Filipino workers na nirehistro ang kanilang lumang bank notes online, hanggang Disyembre a-31 na lang maaaring ipapalit ang mga ito.
Nilinaw naman ng BSP na walang bayad ang gagawing pagpapapalit ng mga lumang pera.
Paalala pa ng BSP, hanggang 100 libo piso lamang ang maaaring papalitan sa bawat transaksyon.
Maaari rin naman anilang magpapalit ng higit pa sa 100 libong piso pero ito ay sa pamamagitan lamang ng tseke o ng direct credit sa bank account ng taong nagpapapalit.