Ibinaba ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang kanilang target gross domestic product (GDP) growth forecast para sa taong kasalukuyan.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni BSP Governor Benjamin Diokno na ang orihinal na forecast nila para sa paglago ng ekonomiya ng bansa sa taong ito ay maaaring umabot sa 6.5 to 7.5% at inaasahan sana nilang kaya pa itong lumago sa 8 to 10%.
Pero dahil sa pagsasara ng ekonomiya bunsod ng pagsasailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa NCR Plus areas nitong nakalipas na linggo ay ibaba nila ang target sa taong ito sa 6 to 7%.
Sa usapin naman aniya ng inflation rate, naniniwala si Diokno na under control pa rin naman ito.
Ayon kay Diokno, bagama’t medyo mabilis ang inflation rate nitong 2nd quarter ay bababa ito o babagal sa 2nd half ng taon at sa nakikita nilang indikasyon ay maitatala sa 4.2% o may pag-asa pa na mas mababa rito.
Aniya para sa susunod na taon, ang forecast nila sa inflation rate ay nasa 3.7% hanggang 3.8%.