BSP, pinapakilos ng isang senador para maibaba charges sa e-wallet at online financial transactions

Hiniling ni Committee on Banks Chairperson Senator Grace Poe sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na hikayatin ang mga bangko at institusyong pampinansyal na babaan ang kanilang singil sa mga transaksyong digital habang nagsusumikap ang mga Pilipinong malampasan ang hagupit ng COVID-19.

Punto ni Poe, sa gitna ng pandemya ay milyun-milyon ang nagsimulang gumamit ng e-wallet at digital payment systems na nagbunsod upang kumita ang mga bangko at iba pang institusyong pampinansyal malapit na sa lebel bago tumama ang pandemya.

Diin ni Poe, marami pa rin ang walang trabaho, samantalang ang iba ay pinagkakasya ang bawa’t piso para mairaos ang kanilang mga pamilya.


Paliwanag ni Poe, ang mababang bayarin ay hindi lamang makakabawas sa kanilang gastusin, kundi mag-uudyok din ng lalong paggamit sa mga e-wallet.

Ikinatwiran pa ni Poe na ang ating mga kababayan ang dapat na pinakamahalaga at kung hindi natin sila tutulungan, mahihirapan din ang ating ekonomiyang makabangon sa epekto ng pandemya.

Facebook Comments