BSP, pinayuhang unahin ang pagtataas sa capitalization sa halip na pondohan ang Maharlika investment fund

Umapela si Ways and Means Committee Chairman Sherwin Gatchalian sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na unahin ang pagtataas sa sarili nitong capitalization sa kabila ng isinusulong na gawin itong isa sa mga fund source ng kontrobersyal na panukalang Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.

Tinukoy ni Gatchalian ang Republic Act 11211 na inaprubahan noong February 2019 na siyang batayan para madaliin ang pagtataas sa capitalization ng BSP sa P200 billion mula sa P50 billion.

Sa ilalim naman ng isinusulong na sovereign wealth fund, kinakailangan na ibigay ng BSP ang lahat ng dibidendo nito sa MIF sa loob ng unang dalawang taon, at 50 percent naman ng dibidendo sa mga susunod na taon.


Dahil sa MIF Bill, posibleng abutin ng 14 na taon bago makamit ng BSP ang target na P200 billion capitalization ayon yan kay BSP Deputy Governor Francisco Dakila Jr.

Punto naman ni Gatchalian, anumang delay sa target na pagtataas ng capitalization ng BSP ay taliwas sa layunin ng batas na nag-aamyenda sa New Central Bank Act.

Dagdag pa ni Gatchalian, tinatayang aabot ng P10 billion hanggang P20 billion ang mawawala sa pondo para sa capitalization ng BSP kung imamandato ito na magbigay ng kontribusyon sa MIF.

Facebook Comments