Sinimulan na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang kanilang imbestigasyon hinggil sa nangyaring insidente ng fraud technique sa online banking ng Banco De Oro (BDO).
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni BSP Technology Risk and Innovation Supervision Department Director Melchor Plabasan na bahagi ng ginagawa nilang imbestigasyon ay silipin kung may naging pagkukulang ang BDO sa kanilang mga ipinatutupad na hakbang laban sa hacking o anumang uri ng online fraud.
Ayon kay Plabasan, kailangan kasi ay laging updated at proactive ang security measures ng bawat mga bangko.
Sakali aniyang mayroon silang makitang pananagutan ng bangko ay may regulasyon ang BSP na nagpapataw ng parusa at iba pang enforcement action.
Una nang nangako si BSP Gov. Benjamin Diokno na tatapusin nila ang imbestigasyon sa loob ng isang buwan.