BSP, sisimulan na ang paggawa ng national ID

Sisimulan na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang paggawa ng card para sa national ID system.

Ayon kay BSP Governor Benjamin Diokno, nakagawa na sila ng sampol mula sa mga makina na kayang maglabas ng 154,000 araw-araw.

Aniya, gagastos ang pamahalaan ng P30 sa bawat ID card o kabuuang P3.4 bilyon para sa 116 milyong Filipino.


Makikita sa ID card ang Philippine Identification System (PhilSys) number na nakatalaga sa bawat indibidwal, buong pangalan, larawan ng buong mukha, kasarian, araw ng kapanganakan, blood type at address.

Lalamanin din nito ang biometric information gaya ng iris scan o sa mata, fingerprint at litrato.

Pagtitiyak ni Diokno, ibabatay ang mga lalamanin ng ID sa mga makakalap na impormasyon ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Unang maisasalang ang unang siyam milyon mula sa mga mahihirap na pamilya na nagparehistro noong Oktubre 12, 2020.

Facebook Comments