BSP, wala pang nakakasuhan sa mga sangkot sa money muling

Inamin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na wala pa silang nakakasuhan na mga indibidwal na nasa likod ng financial muling o money muling gamit ang mga illegal na online gambling applications at websites.

Sa pagdinig ng Senado, inilatag ni Senator Risa Hontiveros ang reklamong nakarating sa kanyang tanggapan kung saan natuklasan na kahit ang mga unregistered o illegal online gambling apps at websites ay nakakagamit ng e-wallet at online banking systems para makapag-cash-in at cash-out ng pera.

Inamin ni BSP Deputy Governor Mamerto Tangonan na gumagamit ang mga ito ng “mule accounts” para makapag-transaksyon sa mga illegal online gambling platforms gamit ang mga e-wallets at online banking.

Sinabi pa ni Tangonan na may ilan ding indibidwal na binebenta o pinaparenta ang kanilang mga e-wallet o online banking accounts para magamit sa iligal na online gambling.

Nang matanong ni Hontiveros kung mayroon na bang nakasuhan sa financial muling activities na ito, inamin ni BSP General Counsel Atty. Roberto Figueroa na wala pang aktwal na kasong naisasampa dahil kapapasa pa lamang ng batas na AFASA o Anti-Financial Accounts Scamming Act.

Paliwanag ni Figueroa, bagama’t nagkakaroon ng imbestigasyon, kadalasan naman ay nagkakaroon ng compromise agreement sa pagitan ng mga bangko kaya hindi na nakakarating sa pagsasampa ng kaso o nakakaabot sa korte.

Facebook Comments