BTA, tiwalang maging “legally compliant” ang BARMM polls sa pagtapos ng talakayan ng districting bills

Mariin ang pananalig ng pamunuan ng Bangsamoro Transition Authority rito na magbubunga ang bukas at malawak na mga pagtalakay sa districting bills upang masiguradong “legally compliant” ang nakatakdang BARMM elections sa Marso 2026.

Ayon kay Member of Parliament Naguib Sinarimbo, ang serye ng talakayang isinasagawa ng BTA hinggil
sa sa anim na districting bills
ay naglalayong masiguro ang pagsunod sa mga legal na rekisitos para sa paghahanda ng halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Si Sinarimbo, isang abogado at local gov’t committee chair ng transition parliament, ay nagsabing dumaan umano sa masusing pagsusuri ang mga panukalang batas mula sa malaking bilang ng dumalo, na ang karaniwang mg mungkahi ay ang pagsasa-ayos ng mga municipal cluster sa Tawi-Tawi at Basilan, gayundin sa ilang mga lugar sa Lanao del Sur.

Nagsimula ang serye ng mga pampublikong konsultasyon ukol sa districting bills noong Nobyembre sa Tawi-Tawi, Basilan at sa Special Geographic Area; nasundan ito sa Lanao del Sur noong Disyembre 7; Cotabato City noong Disyembre 8; Maguindanao del Sur noong Disyembre 10; at nakatakdang matapos ngayong Disyembre 12 sa Maguindanao del Norte.

Iniulat ng mga opisyal ng BTA na ang konsultasyon ay nakahikayat ng hindi pangkaraniwang dami at pagkakaiba-iba ng mga lumahok sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon, patunay umano na ang panukalang batas ay hinuhubog sa isang tunay na bukas at demokratikong proseso.

Ipinabatid rin ni Sinarimbo na lumampas ang bilang ng mga dumalo sa inaasahan ng mga tagapag-organisa, na ginagawa itong isa sa pinakamalawak na public consultation efforts sa panahon ng Bangsamoro transition.

Nabatid na aktibong nakipagpalitan ng opinyon ang mga kalahok sa mga mambabatas hinggil sa mungkahing hangganan ng mga distrito, representasyon ayon sa populasyon, at alokasyon ng mga puwesto sa inaasahang parliamentary setup.

Ibinahagi rin ng mga stakeholder ang kanilang mga pangamba hinggil sa pangangalaga ng minority representation, pagpapanatili ng geographic contiguity, at pag-angkop ng mga distrito sa umiiral na sosyal at ekonomiyang kalagayan.

Tiniyak naman ng resource speakers at mga miyembro ng parliamentary committees na nakapaloob sa opisyal na talaan ang lahat ng mga naisumiteng mungkahi, maging ito man ay nakasulat o binigkas, at isasama sa pag-aayos ng final draft ng mga panukala.

Binigyang-diin ng BTA officials na hindi pormalidad lamang ang konsultasyon, kundi isang mahalagang hakbang upang patatagin ang legal at demokratikong integridad ng districting law.

Nangyayari ang proseso sa gitna ng iniaatas na oras para ipasa ang panukala bago ang mga paghahandang may kinalaman sa halalan, kasunod ng mga paalala mula sa election authorities hinggil sa pagsunod sa mga electoral timeline.

Sa kabila ng limitadong panahon, tiniyak ng transition lawmakers na hindi isasakripisyo ang malawak na partisipasyon, habang diin ang transparency at inclusivity bilang pangunahing prinsipyo.

Magtatapos ang serye ng konsultasyon ngayong Disyembre 12 sa huling public hearing sa Maguindanao del Norte, kung saan inaasahang maglalatag pa ng kanilang posisyon ang karagdagang sectoral groups.

Napuna ng mga observer na ang lawak at sigla ng konsultasyon ay nagpapakita ng tumataas na kamalayan ng publiko sa Bangsamoro parliamentary system habang papalapit ang regular elections.

Sinabi ni Sinarimbo na ang resulta ng konsultasyon ay tutulong upang matiyak na ang pinal na distritong pag-aayos ay magiging makatarungan at representatibo ng iba’t ibang komunidad sa rehiyon.

Facebook Comments