Manila, Philippines – Hahalungkatin ni Senador Panfilo Lacson ang misteryosong hindi pagkakabigay sa mga tauhan ng Philippine National Police Special Action Force o PNP-SAF ng kanilang karagdagang subsistence allowance na umaabot sa halagang 59.8 million pesos.
Sa pamamagitan ng Senate Resolution 712 na inihain ni Lacson, ay inatasan nito ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na kanyang pinamumunuan na mag-imbestiga.
Tugon ito ni Lacson sa mga tauhan ng SAF na personal na lumapit o humingi ng tumulong sa kanyang tanggapan.
Sa ilalim ng mga umiiral na alituntunin, bawa’t isa sa 4,000 tauhan ng SAF ay makakatanggap ng karagdagang P30 daily subsistence allowance o P900 kada-buwan.
Pero batay sa mga lumalabas na record, hanggang Hulyo lamang ng taong 2017 nakatanggap ng naturang benipisyo ang mga tauhan ng SAF sa hindi malamang kadahilanan.
Bukod sa imbestigasyon, layon din ni Lacson na gumawa ng mga panukala na magbibigay ng proteksiyon sa mga pondong nakalaan bilang benipisyo sa mga tauhan ng SAF, bukod pa sa parusang ipapataw sa opisyales na lalabag sa mga ito.