Manila, Philippines – Iimbestigahan na ng Department of Health (DOH) ang ipinapatupad na protocol ng Antipolo Metro Hospital Medical Center kaugnay sa kanilang mga pasyente.
Nabatid na kahit nasa tapat lang ng kanilang pagamutan ay hindi nila nilapatan ng paunang lunas ang supervisor ng MIESCOR na si Elmer Hernandez matapos na mabundol ng motorsiklo at magulungan pa ng kasunod na pampasaherong jeep sa kahabaan ng Marcos Highway, Antipolo City.
Giit ng pamunuan ng Antipolo Metro Hospital Medical Center, protocol nila na kailangang ang ambulansya ng lokal na pamahalaan ng Antipolo ang dapat kumuha sa nadisgrasyang biktima at saka i-turn over sa kanila.
Sa esklusibong interview ng RMN, sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na kanilang sisilipin ang nasabing protocol at pagpapaliwanagin sa insidente.
Ayon kay Duque, hindi kristiyano ang asal ng mga staff ng naturang pagamutan at dapat silang magpaliwanag kung bakit hindi nila tinulungan ang nasagasaang biktima.
Nabatid na buhay pa sana ang biktima kung agad lang itong natulungan at nalapatan ng paunang lunas.