BUBUSISIIN | DOJ, bumuo na ng panel na mag-iimbestiga sa grupo ni dating Pangulong Aquino kaugnay ng Dengvaxia controversy

Manila, Philippines – Bumuo na ang Department of Justice ng panel of prosecutors na hahawak sa reklamo laban kina Dating Pangulong Noynoy Aquino, dating Budget Secretary Florencio Abad at dating Health Secretary Janet Garin kaugnay ng kontrobersyal na Dengvaxia.

Si Senior Assistant State Prosecutor Rossane Balauag ang mamumuno sa panel, habang miyembro naman sina Senior Assistant State Prosecutor Hazel Decena Valdez, Assistant State Prosecutors Consuelo Corazon Pazziuagan at Gino Paolo Santiago.

Partikular na hahawakan ng panel ang preliminary investigation ng reklamong inihain ng Vanguard of the Philippines Incorporated at Volunteers Against Crime and Corruption.


Inakusahan ng dalawang grupo sina Aquino, Garin at Abad gayundin ang 17 kasalukuyan at dating opisyal ng DOH ng reckless imprudence resulting in multiple homicide at physical injuries, paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Government Procurement Reform Act at technical malversation.

Ayon sa mga complainant, iligal na pinondohan nina Aquino, Abad, Garin at iba pang opisyal sa DOH ang Dengue Immunization Program sa pamamagitan ng panggigipit sa mga myembro ng Bids and Awards Committee.

Inaasahang sa lalong madaling panahon ay magpapalabas na ng subpoena ang panel laban sa respondents.

Facebook Comments