Manila, Philippines – Ipinapanawagan ngayon ni Atty. Ariel Inton, presidente ng grupong Lawyers for Commuters’ Safety and Protection na dapat silipin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang inamiyendahang direktiba noong nakarang taon para sa ‘Expanded Student Fare Discount.’
Ang pinatutungkulan ni Atty. Inton ang Memorandum Circular 2017-024 na nagpapahintulot sa pinalawig na 20% discount para sa mga estudyante sa weekends kabilang ang summer breaks, legal at special holidays maliban pa sa weekdays na diskwento.
Paliwanag ng dating Board member ng LTFRB, hindi malinaw sa naturang circular ang depenisyon ng estudyanteng commuters para sa fare discount halimbawa na ngayong summer break.
Wala aniyang klarong pagtukoy sa guidelines kung sila ba ay dapat naka-enroll sa isang partikular na School Year o di kaya ay basta na lamang pwedeng igiit ang discount ng pasahero na mukha namang mag-aaral.
Binigyang diin ni Atty. Inton na wala siyang kinukwestiyon sa ‘Expanded Student Fare discount’ sapagkat maganda ang layunin nito, pero dapat malinaw ang pamantayan sa implementasyon upang hindi magdulot ng kalituhan at hindi rin mapag-samantalahan ang mga tsuper.
Sa oras na makapag-palabas ng bagong bersyon ng panuntunan ang Regulatory Agency ay maiiwasan ang posibilidad ng pagpapanggap na estudyante ng ilang mananakay para makapag-demand ng diskwento sa pasahe.
Magiging paraan rin ito upang muling maipaalala sa mga tsuper ng pampublikong sasakyan ang ‘Extended’ na Student Fare Discount dahil may ilan naman sa kanilang hanay ang napapaulat na hindi sumusunod dito.