Manila, Philippines – Inihain ni Senator Cynthia Villar ang Senate Resolution No. 608 na nagtatakda ng imbestigasyon sa kakulangan sa suplay ng National Food Authority o NFA rice sa merkado.
Ayon kay Senator Villar, target ng imbestigasyon na busisiin kung nagagampanan ng NFA ang tungkulin nito na tiyakin ang food security ng bansa.
Ang hakbang ni Villar, na syang chairperson ng Committee on Agriculture, ay kasunod ng report na ilang araw na lang ang itatagal ng stock ng NFA rice.
Nakasaad din sa resolusyon ang pahayag ni NFA spokesperson Rebecca Olarte na ang 64,000 metriko toneladang NFA rice sa pagtatapos nitong enero ay ang naitalang pinakamababang buffer stock sa loob ng sampung taon.
Diin pa ni senator Villar, bahagi ng mandato ng NFA na tiyaking maayos ang programa ng gobyerno sa pag-aangkat ng bigas.