Manila, Philippines – Pinasisiyasat ni House Committee on Housing and Urban Development Chairman Albee Benitez ang konstruksyon ng mga pabahay para sa mga biktima ng kalamidad at giyera.
Ayon kay Benitez, nakatanggap siya ng ulat na ang mga biktima ng Zamboanga siege noong 2013 ay ginawaran ng pamahalaan ng mga housing units na substandard ang kalidad.
Aabot sa P1.5 Billion ang halaga na inilaan ng pamahalaan para sa pagpapatayo ng 6,343 housing units.
Dagdag pa dito ay wala ding maayos na bentilasyon ang mga pabahay, maayos na sanitation at supply ng kuryente.
Maging ang mga biktima ng super typhoon Yolanda sa Tacloban City ay binigyan ng hindi maayos na mga pabahay ng mga kontraktor ng pamahalaan.
Sinabi ni Benitez na dalawang beses na nabiktima ang mga ito kung saan una ay dahil sa kalamidad o giyera at ang ikalawa naman ay ang kalokohan ng tao.