BUBUSISIIN | Non-Remittance ng GSIS Contribution ng mga guro, ipinasisiyasat sa Kamara

Manila, Philippines – Iginiit nila Act Teachers Pl Rep. Antonio Tinio at France Castro na dapat papanagutin ang Department of Education sa hindi pagre-remit sa GSIS ng contribution ng mga public school teachers.

Kaugnay dito ay naghain ang mga kongresista ng House Resolution 1729 para imbestigahan ang delayed at non-remittance sa personal at government shares ng mga public school teachers sa GSIS.

Layunin ng pagsisiyasat na magpataw ng mas mabigat na parusa sa mga responsable sa problemang ipinapapasan sa mga guro gayundin ang paglalatag ng mechanism upang maiwasan na ipasa sa mga guro ang mismanagement, poor collection, inefficient collection, kawalan ng transparency at katiwalian na kagagawan ng mga opisyal ng DepEd at GSIS.


Ayon sa mga kongresista, otomatikong ikinakaltas sa mga guro ang premium contribution sa GSIS pero dahil hindi ito na-i-remit ng ahensya, ang mga public school teachers ang napapatawan ng multa at hindi basta makakuha ng benepisyo.

Kinalampag din ng mga mambabatas si education sec. Leonor briones na madaliin sa DepEd ang remittance sa lahat ng mga pending contributions.

Hiniling ng mga kongresista ang agad na pagpapakalendaryo sa mababang kapulungan para masimulan na ang imbestigasyon sa nasabing iregularidad.

Facebook Comments