Manila, Philippines – Pinaiimbestigahan ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang pagsasara ng Boracay gayundin ang pagpapatayo ng $500 Million mega casino resort sa isla.
Sa House Resolution 1806 na inihain ni Zarate, inaatasan nito ang House Committees on Natural Resources at Ecology na magsagawa ng joint investigation sa pagpapasara sa 51 establisyimento sa Boracay na lumabag sa water treatment laws pero pinayagan naman ang pagtatayo ng 23-hectare na casino resort.
Nangangamba ang kongresista na seryosong maaapektuhan ng itatayong mega-casino resort ang mga maliliit na establisyimento at negosyo sa isla gayundin ang libu-libong mga empleyado at manggagawa doon.
Mas mabigat na problema din ang hatid ng casino hotel dahil hindi na kakayanin ng isla ang carrying capacity kapag naitayo na ito.
Mula sa 9,362 na mga turista noong 2009 na bumibista sa Boracay, umakyat na ito ngayon sa 14,182 visitors sa kada araw.
Nagbabala din si Zarate na huwag pagkatiwalaan ang mga dayuhang kumpanya dahil ito ang lalong sumisira sa ating kalikasan at sa buhay ng mga tao kabilang na dito ang large scale mining na Toronto Ventures Incorporated at Oceana Gold Mining Corp., at ang pagkamatay ng mga manggagawa sa House Technology Industries (HTI) sa Cavite Economic Zone at ang sunog sa NCCC Mall sa Davao City.
Layunin ng imbestigasyon na pigilan ang anumang pagkasira na maaari pang mangyari sa Boracay dahil sa isla lamang kumukuha din ng ikabubuhay ang mga residente doon.