Manila, Philippines – Hiniling sa Korte Suprema ng isang abugado na atasan
si Chief Justice on-leave Maria Lourdes Sereno na magsumite ng kanyang
kulang na Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN).
Partikular na hinahanap ni Atty. Romeo Igot ang SALN ni Sereno noong mga
panahon na siya ay nasa University of the Philippines College of Law pa.
Kailangan din aniyang atasan si Sereno na magsumite ng katibayan na siya ay
nakapasa sa psychiatric at psychological tests nang siya ay mag-aplay
bilang pinuno ng Hudikatura.
Sakali aniyang hindi makatalima si Sereno, dapat siyang pagbawalan na
makabalik sa kanyang tungkulin bilang Punong Mahistrado ng Korte Suprema at
ideklarang walang bisa ang pagkakatalaga sa kanya bilang Chief Justice
dahil sa kawalan ng qualification.
Hiniling din ni Igot sa Korte Suprema gawing bukas sa pagbusisi ang
psychological findings kay Sereno nang siya ay mag-aplay bilang Punong
Mahistrado.