Manila, Philippines- Ikinakasa na ng Senate Committee on Foreign Relations, ang gagawing pagdinig ukol sa polisiya ng administrasyong Duterte na may kinalaman sa China.
Ito ang inihayag ni Committee Chairperson Senator Loren Legarda, bilang tugon sa kahilingan ng Opposition Senators na busisiin ang foreign policy ng gobyerno para proteksyunan ang ating soberenya at mga teritoryo.
Ito ay sa harap na patuloy na militarisasyon ng China sa West Philippine Sea, kung saan nagtayo na ito ng missile system at mga bomber planes, gayundin ang paglapag ng isang Chinese Miltary Aircraft sa Davao International Airport.
Sang-ayon si Legarda, na bilang isang independent body ay dapat ipaglaban ng senado ang papel nito sa pagbuo ng foreign policy ng bansa.
Kasabay nito ay nanindigan si Legarda na makabubuting idaan sa diplomasyang paraan ang paghanap ng solusyon sa isyu ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.