
Nakatakdang pumirma ang Bureau of Corrections (BuCor) at Integrated Bar of the Philippines (IBP) ng kasunduan para sa pagpapatupad ng Unified Legal Aid Service (ULAS) na layong masiguro ang patas na access ng mga persons deprived of liberty (PDLs) sa hustisya ng bansa.
Minamandato ng ULAS ang mga abogado na maglaan ng 60 oras ng pro bono legal services o libreng serbisyo para sa mga indigent client kada tatlong taon.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr., mayroon na silang napag-usapan kasama si IBP National President Allan Panolong kaugnay ng programa.
Aniya, magkakaroon ng memorandum of agreement ang BuCor at IBP upang maging direktang recipient ng ULAS ang ahensya at matulungan ang mga PDL, partikular sa pagbibigay ng legal aid, nang sa gayon ay mapabilis ang kanilang paglaya.
Matatandaang sa pamamagitan ng jail decongestion program ng IBP ay hindi lamang napabilis ang resolusyon sa mga kaso ng PDL kundi natulungan din ang mga inmate na karapat-dapat nang mapalaya.










