Pinasinungalingan ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag ang mga haka-hakang pinalaya lang mula sa New Bilibid Prisons (NBP) ang high-profile inmate na si Jaybee Sebastian at hindi namatay mula sa COVID-19.
Nabatid na naiulat na namatay sa COVID-19 ang isang presong nagngangalang Jaybee Niño Sebastian at nai-cremate ang mga labi nito sa Cavite.
Batay sa death certificate, namatay si Sebastian matapos atakehin sa puso dahil sa kumplikasyon sa COVID-19.
Nanindigan si Bantag na kaya nilang patunayan na namatay ang ilang inmates sa sakit.
Iginiit niya na hindi nila magagawang palayain ang sinumang high profile inmate lalo na kung usapin ng National Security at National Health.
Pero sinabi niya na ilan sa mga namatay ay high-profile Chinese at Filipino drug lords.
Sinabi rin ni Bantag na bukas sila sa anumang imbestigasyon.
Sinabi naman ni NBP Hospital Director Dr. Henry Fabro, may pruweba sila sa pagkamatay ng ilang inmates sa pamamagitan ng swab test na isinumite nila sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Sa datos ng BUCOR, 339 ang COVID-19 cases sa Bilibid, 45 ang namatay.