Pinaglalabas ng mga senador ang Bureau of Corrections (BuCor) ng pruweba ukol sa pagkamatay ng high-profile inmates sa New Bilibid Prison (NBP) dahil sa COVID-19.
Ito ay para mabura ang duda na pineke ang pagkamatay ng mga maimpluwensya at mayayamang inmates katulad ni Jaybee Sebastian at mga drug lord.
Giit ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto, dapat makapagpakita ang BuCor sa records nito ng mga larawan at CCTV footage ng mga bangkay ng mga inmate.
Ayon kay Recto, imposible na walang litrato o video dahil SOP ang pagkakaroon ng CCTV sa mga bilangguan lalo na sa Maximum Security Compound ng Bilibid.
Ipinunto naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na sa dami ng mga nabunyag na anomalya sa loob ng NBP ay hindi imposible ang pagpeke sa pagkatamay ng mga high-profile inmates para sila ay makalaya.
Diin naman ni Senator Richard Gordon, kaduda-duda na inilihim ang pagkakasakit ng COVID-19 ng mga high-profile inmates kaya dapat ay mailabas ang CCTV footage, larawan at mga testigo sa mga bangkay ng mga ito hanggang sa mai-cremate.