Inihayag ni Justice Secretary Boying Remulla na inatasan siya ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., na pansamantalang isuspinde si Bureau of Corrections (BuCor) Dir. Gen. Gerald Bantag sa kaniyang pwesto.
Ito’y may kaugnayan sa ginagawang imbestigasyon hinggil sa isyu ng nangyaring pagpatay sa broadkaster na si Percy Lapid.
Ayon kay Sec. Remulla, magtatalaga siya ng OIC sa katauhan ni Gregorio Catapang Jr.
Sinabi ni Sec. Remulla na nakausap niya ang Pangulong Marcos at ito ang kaniyang naging desisyon upang maging patas at malaman ng publiko na tinututukan ito ng kasalukuyang administrasyon.
Dagdag pa ni Remulla, nakausap na rin niya si Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos Jr., at natanggap na rin niya ang mga kinakailangan dokumento.
Matatandaan na kaliwa’t kanang kontrobersiya ang natatangaap ngayon ng BuCor matapos mamatay ang sinasabing middleman sa kaso ni Lapid na kinilalang si Jun Villamayor dahil inatake umano ito sa puso.